May mga pagkain na masarap kainin pero hindi masustansya. At may mga pagkain na dapat natin kainin – dahil may micronutrients para sa immune system. Ito ang mga pagkain na nagpapalakas ng iyong resistensya laban sa mga sakit. Mayaman din sila sa bitamina at mineral.
Sa pagpapanatili ng kalusugan ng ating utak, buto, ugat, daloy ng dugo at immune system, kailangan ng ating katawan ang mainam at sapat na supply ng mga sustansya gaya ng proteins, (good) fats at carbohydrates. Kailangan din ng ating katawan ang mga micronutrients gaya ng vitamins at minerals. Ang kakulangan sa micronutrients para sa immune system ay kadalasan nauuwi sa pagkakasakit.
Ang immune system ang nagsisilbing sundalo o taga-depensa ng katawan natin sa lahat ng uri na maaaring makasama sa katawan natin, tulad ng toxins, viruses, bacteria at iba pa, na nagiging sanhi ng pagkakasakit.Dahil sa dami ng nakaambang mga mikrobyo at organismo sa ating paligid, hindi malayong mahawa tayo sa iba’t ibang uri ng sakit. Konting pagpapabaya lang ay maaaring mahawa na ng sipon, ubo, trangkaso o iba pang mga pangkaraniwang sakit ng tao. Ngunit kung mananatiling malakas ang resistensya ng katawan, may posibilidad na makaiwas sa pagkakahawa sa mga ito. Kaya napakahalaga na malaman ang tungkol sa micronutrients para sa immune system.
Bakit mahalaga ang micronutrients?
Ang essential micronutrients ay mga bitamina at minerals na hindi kayang gawin ng ating katawan at maari lamang makuha sa mga pagkain gaya ng prutas at gulay. Noong 18th century dumami ang kaso ng sakit na scurvy sa mga British sailors. Ang sanhi na scurvy ay epekto kapag ang katawan ay kulang sa vitamin C na isang micronutrient. Ilan sa mga sintomas nito ay ang pagdurugo at alsadong gilagid, pag-uga ng mga ngipin, makaliskis at tuyo na balat, at panghihina. Kapag napabayaan ang scurvy ito ay nakakamatay, dulot ng inpeksyon. Kaya tunay na kailangan natin ng mga pagkain na mayaman sa micronutrients para sa immune system.
Ang scurvy ay isa lamang sa mga sakit na dulot ng kakulangan sa Vitamin C na isang uri ng micronutrients. Sa kasalukuyang makikita pa rin natin ang epekto ng kakulangan sa micronutrients. Kadalasan mataas ang mga kaso ng nutrient-deficiency diseases (malnutrition) sa mga mahihirap na bansa.
Sapat na micronutrients?
Ang pinaka-simple at madaling paraan para makuha ng iyong katawan ang sapat na dami ng micronutrients ay ang pagkain ng tama. Balansado rin dapat ito. Siguraduhin na ikaw ay kumakain ng gulat at prutas at karne na mababa sa taba. Makakatulong din ang pagkain ng mga whole grain foods gaya ng wheat bread.
Mas mainam na iyong makuha ang micronutrients sa mga masusustansyang pagkain kumpara sa mga synthethic na multivitamins na mabibili sa mga pharmacy. Maari ka rin kumunsulta sa doktor kung sakali na nais mong gumamit ng natural food supplement at sa micronutrients para sa immune system.
Pagkain para sa matibay na Resistensya
Ang mga micronutrients — gaya ng magnesium, zinc, vitamin B6, C at E — ay tumutulong sa pagpapabuti ng immune system o resistensya ng ating katawan laban sa sakit. Ilan sa mga pagkain na mayayaman sa micronutrients na ito ay ang mga sumusunod:
- Magnesium – whole wheat, mani, malunggay
- Zinc – oysters (talaba), beef shank, turkey (pabo)
- Vitamin B6 – manok, cereals, saging at patatas na may balat.
- Vitamin C – halos lahat ng citrus fruit, kamatis, broccoli at malunggay
- Vitamin E – sunflower seeds, almonds, abokado at malunggay
Minsan kailangan natin magtiyaga na bumili o kumuha ng pagkain ng micronutrients. Ang ilang minuto na idadaan natin sa palengke o grocery ay katumbas sa buwan na malakas na resistensya. Sulit, di ba?
Mahalagang Paalaala: Hindi dapat gamitin ang anumang article sa blog na ito para ipalit o gawing alternatibo sa opinyon ng isang medical expert. Para sa inyong katanungang medical, kumunsulta sa inyong doktor.
Source: Micronutrients for Immunity